Southern Luzon Command, inilagay sa red alert status

INQUIRER FILE PHOTO

Itinaas ng Armed Forces of the Philippines ang red alert status sa tropa ng militar sa Bicol region.

Ito ay bunsod ng mataas na banta sa seguridad mula sa mga komunistang rebelde na una nang ipinag-utos ang pinaigting na opensiba laban sa gobyerno.

Ayon kay AFP spokesperson Brig. Gen. Restituto Padilla, nakaalerto ngayon ang 100% ng lahat ng kanilang units sa Southern Luzon Command.

Inilatag ni Padilla ang mga dahilan kung bakit ipinatupad ang pinakamataas na alerto sa kanilang pwersa sa Southen Luzon.

Una, dahil sa tumataas na banta matapos utusan ng Communist Party of the Philippines (CCP) ang New People’s Army (NPA) na atakihin ang gobyerno sa kabila ng pagpapatupad ng Martial Law sa Mindanao.

Ikalawa, dahil sa nagpapatuloy na bakbakan ng tropa ng pamahalaan at Maute terror group sa Mindanao.

Sinabi pa ni Padilla na kailangan bantayan ng SolCom ang ilang mga government project sa rehiyon, tulad ng power at road projects, na karaniwang target ng NPA.

Kamakailan ay umatras ang gobyerno sa ika-limang round ng peace talks sa National Democratic Front of the Philippines dahil sa naturang utos ng CPP sa NPA.

Read more...