MILF, bukas sa pagtulong sa mga naiipit sa gulo sa Marawi

 

Welcome sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang panawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte ng tulong sa kanilang mga tauhan upang masupil ang terorismong dulot ng Maute Group at iba pang ISIS-inspired na mga grupo.

Nakipagpulong si Pangulong Duterte noong Lunes sa mga lider ng MILF sa Davao City, kasama na rin si Armed Forces of the Philippines (AFP) chief Gen. Eduardo Año, iba pang security officials at miyembro ng Gabinete.

Ayon kay MILF Chairman Alhaj Murad Ebrahim, handa silang magbigay ng humanitarian assistance sa mga sibilyan na hanggang ngayon ay trapped pa rin sa ilang bahagi ng Marawi kung saan patuloy pa rin ang bakbakan.

Gagamitin ng pamahalaan at ng MILF ang kanilang Coordinating Committees on the Cessation of Hostilities (CCCHs) para sa pagpa-plano at implementasyon kung paano agad na makakatulong sa mga nasa Marawi.

Tiniyak naman ng pangulo sa mga liderato ng MILF, na hindi sila ng Moro National Liberation Front (MNLF) at New People’s Army (NPA) ang target ng idineklarang martial law sa Mindanao.

Paglilinaw ni Duterte, ginawa niya ito upang sugpuin ang panggugulo at rebelyon ng Maute Group at iba pang teroristang grupo.

Bukod dito, siniguro rin ni Duterte na magpapatuloy ang kanilang peace process, at natalakay rin nila ang mga mahahalagang usapin tungkol sa Bangsamoro Basic Law.

Hinimok na rin ng pangulo ang Bangsamoro Transition Commission (BTC) na bilisan na ang paggawa ng draft ng BBL.

Read more...