Mocha Uson, binatikos sa maling larawan sa Marawi siege

 

Sabit na naman ang dating sexy singer at ngayo’y Assistant Secretary Mocha Uson sa isa na namang insidente ng paggamit ng maling larawan sa isa nitong post sa social media.

Sa pagkakataong ito, todo batikos muli ang mga netizens sa post ng dating main singer ng Mocha girls sa ginamit nitong larawan upang ipakita ang katapangan ng mga sundalong lumalaban sa Maute group sa Marawi City.

Sa naturang post, makikita ang hanay ng mga umano’y sundalo na nakayuko at nakaluhod at taimtim na nagdarasal na nilagyan ng caption ni Uson na humihiling ng dasal sa publiko para sa kaligtasan ng mga ito.

Gayunman, maraming netizens ang nag-react sa social media dahil lumilitaw na hindi mga sundalong Pinoy ang nasa larawan kung hindi mga miyembro ng Honduras police.

Dahil dito, marami ang bumanat muli kay Uson dahil sa anila’y ‘fake news’ na ipinakakalat ng opisyal ng gobyerno.

Gayunman, sa isa pang post sa Facebook, iginiit ni Uson na isang uri ng ‘symbolism’ lamang ang kanyang larawang ipi-nost at hindi niya binanggit na mga kasapi ang mga ito ng Army.

Sa kanyang pag-upo bilang Assistant Secretary ng Presidential Communicaitons Operations Office (PCOO) sinabi ni Uson na lalaban niya ang pagkalat ng ‘fake news’ sa social media.

Read more...