Panukalang dagdag insentibo sa mga atleta, aprubado na sa Senado

 

Inquirer file photo

Lusot na sa ‘third and final reading’ ang panukalang batas na magbibigay ng dagdag insentibo sa national athletes, coaches, at trainers na mag uuwi ng karangalan sa bansa.

Sa ilalim ng Senate Bill 2898, iginiit ni Senador Sonny Angara, chairman ng senate committee on games, amusement and sports, saklaw na rin ng panukala ang mga atletang may kapansanan bilang national athletes.

Sa kasalukuyan, umaabot lamang sa sampung libong piso hanggang limang milyong piso ang nakukuhang insentibo ng mga national athletes na nagbibigay ng karangalan sa bansa.

Sakaling maging ganap na batas, makatatanggap na ng sampung milyong piso ang atletang makasusungkit ng gintong medalya, limang milyong piso sa silver medalist at dalawang milyong piso sa bronze medalist.

Limang milyong piso naman ang matatanggap ng gold medalist sa Youth Olympic Games at Paralympic games, 2.5 milyong piso para sa silver medalist at isang milyong piso sa bronze medalist.

Ayon kay Angara, para sa Asian Games, makatatanggap ng dalawang milyong piso para sa gold medalist, isang milyong piso sa silver medalist at four hundred thousand pesos sa bronze medalist.

Para naman sa Southeast Asian Games, three hundred thousand pesos sa gold medalist, 150 thousand pesos sa silver medalist at sixty thousand pesos sa bronze medalist. “Marapat na tingalain ang ating magagaling na atleta, maging ang kanilang mga coach o trainer, lalo na kung matagumpay nilang itinataas ang ating bandila sa iba’t ibang dako ng mundo. Nararapat lamang na sila’y bigyan ng angkop na pagkilala, at sapat na suporta at insentibo” paliwanag ng senador.

Kasama ni Angara sa mga nagsulong sa panukala sina Senador Tito Sotto, Ralph Recto, Miriam Defensor Santiago, Ramon Revilla Jr. at Pia Cayetano./ Chona Yu

 

 

Read more...