Dela Rosa, naging emosyunal sa pagtatanggol sa mga pulis na nakikipagbakbakan sa Marawi

File photo

Naiyak si Philippine National Police chief Director Gen. Ronald Dela Rosa sa flag rasing ceremony sa Camp Crame, sa Quezon City.

Sa talumpati ni Dela Rosa, nakiusap ito sa mga police scalawag na bago gumawa ng krimen, kalokohan o mangolekta sa mga sindikato o mangotong, isipin muna ang mga pulis na nakikipagbakbakan ngayon sa Marawi laban sa Maute group.

Ayon kay Dela Rosa, noong Biyernes ay nagtungo siya kasama si Pangulong Rodrigo Duterte sa Lanao del Sur kung saan nakausap niya ang isang miyembro ng Special Action Force na kung maaari ay malipat siya ng assignemnt malapit sa kanyang pamilya dahil labing apat na taon na umano siyang naka assign sa Mindanao region.

Sinabi din ni Dela Rosa na sana daw isipin ng mga police scalawags ang sakripisyo ng mga pulis sa Marawi na naghalo na ang pawis, luha at sipon masiguro lamang na ligtas ang bayan.

Apela PNP chief sa mga pulis na nasa Metro Manila na isama sa kani-kanilang panalangin ang kaligtasan ng mga pulis na nakikipagbakbakan sa Marawi.

Kung maaari aniya ay magpalit ng pwesto ang mga police scalawag at mga pulis sa Marawi para maranasan naman nila ang sitwasyon.

Aminado si Dela Rosa na gusto niyang bumalik sa ranggong PO1 para makasama ang kanyang tropa na makipagbakbakan sa Maute.

“I really want to fight with you side by side. Kung pwede lang mag PO1 ako para makasingit sa laban,” ani Dela Rosa.

Gayunman, hindi aniya ito maaaring gawin dahil masisira lamang ang focus ng mga pulis.

Sa halip aniya na pagtuunan ng pansin ang mga kalaban, mababaling umano ang atensyon ng mga pulis sa pagse-secure sa kanya.

Read more...