Pag-uusapan na ngayong araw sa plenaryo ng Kamara ang deklarasyon ng Martial Law ni Pangulong Rodrigo Duterte sa buong Mindanao.
Gayunman, ayon kay House Speaker Pantaleon Alvarez, hindi pa ito posibleng mapagbotohan mamaya.
Magkakaroon pa kasi aniya ng executive session ang Committee of the Whole sa Miyerkules ng umaga kung saan ipapatawag ang mga kinatawan ng executive department ng pamahalaan kabilang na sina Executive Secretary Salvador Medialdea at mga kalihim ng Department of National Defense at Department of Interior and Local Government.
Samantala, ayon naman kay Deputy Speaker at Batangas 2nd District Rep. Raneo Abu, maaari nilang pagbotohan kung kakailanganin pa ang pagkakaroon ng joint session ng Senado at Kamara para pag-usapan ang Martial Law declaration ni Pangulong Duterte.
Noong Huwebes ng gabi, kapwa natanggap nina House Speaker Alvarez at Senate President Koko Pimentel ang report ng pangulo ukol sa Martial Law na itinatadhana ng Saligang Batas.