Sa nagpapatuloy na bakbakan sa pagitan ng tropa ng gobyerno at Maute terror group sa Marawi City, pumalo na sa kabuuang isandaan ang bilang ng mga nasawi.
Ito ang kinumpirma ng Armed Forces of the Philippines sa kabila ng patuloy na sagupaan sa Marawi, na ngayon ay nasa ika-pitong araw na.
Ayon kay AFP spokesperson Col. Edgar Arevalo, kabilang sa mga napatay ay animnapu’t isang (61) miyembro ng Maute group, dalawampu (20) sa panig ng gobyerno at labing siyam (19) na sibilyan.
Sa mga nasawing sibilyan, walo dito ay natagpuan sa isang kanal papasok sa Marawi City kahapon, araw ng Sabado.
Sa tabi ng mga katawan ng sibilyan ang isang cardboard na may nakasulat na “munafik”, na ibig sabihin ay traydor.
Sa pagsapit ng tanghali ng Linggo, natagpuan din ang walo pang katawan, apat na lalaki, tatlong babae at isang bata, malapit sa isang unibersidad sa Marawi town center.
Sinabi ni Arevalo na karamihan sa mga napatay na sibilyan ay binaril at tadtad ng bala ng baril ang katawan.
Samantala, nanawagan si Arevalo sa publiko na iwasan ang pagpopost sa social media ng impormasyon ukol sa lokasyon ng mga sundalo, maging ang mga larawn at videos.
Maaari aniya itong gamitin ng Maute group para makakuha ng pagkilala mula sa international terror groups.