Nakahandusay pa at naliligo sa sariling dugo ang isang lalaki matapos gilitan ng leeg sa Royal Place, Commonwealth Ave., Quezon City.
Dead-on-the-spot ang hindi pa nakikilalang biktima na nakasuot ng gray na t-shirt at itim na shorts.
Ayon sa nakasaksing si Antonio Adan, empleyado ng establishimento kung saan naganap ang krimen, may kausap umano na dalawang lalaki ang biktima.
Nang makita niya na sinaksak na ang biktima, dali-dali umano siyang bumaba saka tumawag ng guwardiya.
Ayon kay Adan, hindi niya personal na kilala ang biktima, pero isa umano itong stay-in construction worker sa katabing ginagawang establishment.
Hindi rin umano kilala ng nakasaksi ang pagkakakilanlan ng dalawang suspect, pero posible umanong mga kasamahan rin ito ng biktima.
Nagpapatuloy naman ang imbestigasyon ng Quezon City Police District sa nasabing insidente.