Hinihinalang holdaper, patay nang maka-engkwentro ng mga pulis sa Quezon City

Kuha ni Cyrille Cupino
Kuha ni Cyrille Cupino

Patay ang isang hinihinalang holdaper matapos maka-engkwentro ng mga pulis sa kahabaan ng Quezon Ave., tapat ng Santo Domingo Church sa Quezon City.

Ayon kay Police Supt. Christian Dela Cruz, hepe ng Galas Community Precinct, sakay ng isang motorsiklo ang suspek nang hablutin ang cellphone ng 17-anyos na binata na kinilala sa alyas na ‘Bryan’.

Sakto namang rumuronda ang mga pulis at na-aktuhan ang pangho-holdap.

Nang lalapitan na ng mga pulis, bumunot ng baril ang suspect at pinaputukan ang mga pulis dahilan para gumanti ang mga ito.

Dinala pa sa Delos Santos Medical Center ang suspek na kinilala sa alyas na ‘Carlo’, pero idineklara ring dead-on-arrival.

Narekober sa crime scene ang ginamit na caliber .45 na baril ng suspek, at may nakita ring hinihinalang shabu mula sa bag nito.

Ayon kay Dela Cruz, laging may rumurondang pulis sa lugar dahil talamak na rin ang insidente ng holdapan dito.

Nagpapatuloy naman ang imbestigasyon ng Quezon City Police District sa nasabing insidente.

Read more...