Ayon kay DOH Spokesperson Lyndon Lee Suy, ang mga kaso na naitatala sa lungsod at sa iba pang bahagi ng bansa ay isolated cases lamang.
Normal lang din aniya na magkaroon ng mabilis na hawaan sa isang pamilya kapag isa sa mga miyembro ang nagkaroon ng sore eyes. Payo ni Lee Suy sa publiko na panatilihin ang personal hygiene para maiwasan ang pagkakaroon ng hawaan.
Ayon kay Lee Suy, ang pangunahing dahilan ng pagkakahawa sa nasabing sakit ay sa pamamagitan ng paghawak sa kamay ng taong mayroon ng sore eyes.
Paliwanag ni Lee Suy, kung ang isang tao na may sore eyes ay nagkusot ng mata, ang taong hahawak sa kaniyang kamay o sa bagay na kaniyang nahawakan ay pwedeng mahawa. “Importante ang hygiene dapat maghugas lagi ng kamay. Naisasalin kasi iyan kapag ang isang taong may sore eyes may hinawakan, tapos hahawakan ng kasama niya sa bahay,” sinabi ni Lee Suy sa panayam ng Radyo Inquirer.
Pinayuhan din ni Lee Su yang publiko na iwasan ang self-medication kapag nagkaroon ng sore eyes. Lubha aniyang delikado kung mayroong mailagay na hindi karapat-dapat sa mata.
Ayon pa kay Lee Suy, mas mabitong magpatingin sa duktor para maresetahan ng tamang pampatak dahil ang ibang may sore eyes ay nangangailangan ng eye drop na mayroong antibiotics. “Mata ito, so we avoid self-medication, mas mabuti pa ring magpatingin,” sinabi ni Lee Suy.
Sinabi ni Lee Suy na karaniwang dumarami ang kaso ng sore eyes kapag summer pero hindi naman ibig sabihin na tuwing tag-init lang ito mararanasan./ Dona Dominguez-Cargullo