Sen. Grace Poe hindi papipigil sa pagbisita sa mga probinsiya

Team Grace Poe Twitter Acct
Photo via @Team_GracePoe

Makaraang umikot sa lalawigan ng Cebu kahapon, Zamboanga City naman ang target ng grupo ni Sen. Grace Poe ngayon.

Alas-nueve ng umaga nang dumating siya sa Masepla Transitory Site kung saan ay sinalubong siya ng daang-daang mga evacuees na karamihan ay mula sa tribong Badjao.

Inirereklamo ng mga tao doon ang kawalan ng malinis na supply ng tubig at ilang mga pangangailangan na ipinangako ng lokal na pamahalaan ng Zamboanga City.

Karamihan sa mga evacuees ay galing sa mga lugar na nasunog sa naganap na paglusob ng mga tauhan ni Moro National Liberation Front (MNLF) Founding Chairman Nur Misuari sa Zamboanga City noong 2013.

Sa panayam sinabi ni Poe na dapat asikasuhin ng pamahalaan ang matinong tirahan para sa mga residente doon na naipit ng ilang araw na bakbakan.

Ikinatwiran naman ni Poe na hindi pa siya nangangampanya kahit patuloy ang pag-ikot nya sa iba’t ibang lalawigan sa bansa.

Bahagi lang daw ito ng pagkuha sa pulso ng publiko kaugnay sa kanyang magiging desisyon para sa 2016 elections.

Tumanggi rin si Poe na magbigay ng komento tungkol sa paglipat umano sa kanilang panig ng ilang mga taga-Liberal party na may tampo sa kasalukuyang administrasyon. / Den Macaranas

Read more...