Martial law, suportado ng mga obispo sa Mindanao

Photo Courtesy of CBCP News
Photo Courtesy of CBCP News

Mariing kinondena ng Catholic Bishops of Mindanao ang karahasan at terorismong pinalalaganap ng Maute Group sa Marawi City ngayon.

Sa inilabas na pahayag ni Cotabato Archbishop Orlando Cardinal Quevedo, sinabi nila na ipinagdarasal nila ang mga inosenteng biktimang pinatay, pati na ang mga pamilyang lumikas upang makalayo sa karahasan.

Tinuligsa rin nila ang pagdukot sa mga guro, at maging sa mga tauhan ng simbahan tulad na lamang ni Fr. Teresito Suganob at kaniyang mga kasamahan.

Batid aniya nilang marami ang bumabatikos at sumusuporta sa pagdedeklara ni Pangulong Rodrigo Duterte ng martial law sa buong Mindanao.

Ayon kay Quevedo, maraming tanong ang bumabalot sa aniya’y “last resort” sa pagtataguyod ng kapayapaan, pero naging gabay nila ang sinabi ni St. Paul na “pursue what leads to peace.”

Marami aniya ang natatakot dahil baka maulit ang mga pang-aabusong naganap sa dating diktadurya kung saan ipinatupad din ang martial law.

Gayunman, sa ngayon ay wala silang nakikitang dahilan para kontrahin ang deklarasyong ito ng pangulo, pero dapat ay maging pansamantala lamang ito.

Dahil dito, hinihikayat nila ang publiko na kalmadong harapin ang martial law at sumunod sa mga otoridad upang hindi magresulta ng karahasan.

Hinihmok din ni Quevedo ang pamahalaan na supilin ang ugat ng terorismo, tulad ng kahirapan at kawalan ng hustisya sa pamamagitan ng mabuting pamamahala.

Kasabay nito ay nanawagan sila na maging mapagmatyag na lamang sa mga pang-aabuso sa ipinatupad na batas militar.

Sa huli ay umapela si Quevedo sa lahat na sama-samang itaguyod ang kapayapaan, at bigyang pagkakataon ang anumang posibleng daan para makamit ito.

Read more...