Hindi na hihigit sa lima ang nasa listahan ng mga pinagpipilian para maging running mate ni Vice President Jejomar Binay para sa 2016 elections.
Sa panayam ng Radyo Inquirer sinabi ni Binay na tapos na sila sa proseso ng paghahanap dahil nakapili na sila ng mga pangalang pagpipiliian.
Natapos na aniya ang trabaho ng binuong ‘search committee’ at ang kanilang ‘selection committee’ na ngayon ang kumikilos. “Tapos na kami sa search committee, nasa selection committee, lima na lamang pababa ang pinagpipiliian,” ayon kay Binay.
Kung sinuman sa lima ang papaya na kumandidato bilang kaniyang pangalawang pangulo at tutugma sa kaniyang mga adhikain ay iyon ang ihahayag na magiging running mate niya sa sandaling pinal na ang pasya.
Kinumpirma din ng bise presidente na may mga napili nang senatorial line up ang United Nationalist Alliance, gayunman, tumanggi muna si Binay na pangalanan ang mga ito.
Ayon kay Binay, kilala daw kasi sa ‘pananakot’ ang administrasyong Aquino, kaya mabuting hindi na lang muna pangalanan ang kanilang mga kukuning senatoriables sa ilalim ng UNA dahil baka takutin umano ng administrasyon./ Dona Dominguez-Cargullo