Umakyat na sa 15 ang bilang ng mga sundalo at pulis na nasawi sa pakikipagbakbakan sa puwersa ng Maute group sa Marawi City.
Ayon sa statement mula sa 1st Infantry Division ng Philippine Army, nitong Huwebes lamang, anim na sundalo ang namatay sa labanan samantalang pito pa ang nasugatan.
Ayon kay Lt. Gen. Carlito Galvez, commander ng Western Mindanao Command, ito ay bukod pa sa naunang naitalang pitong sundalo at dalawang pulis na napatay noong nakaraang Martes.
Nasa 39 naman ang nasugatan sa panig ng militar at pulisya.
Sa panig naman aniya ng Maute terror group, 31, na ang napapatay sa labanan.
Labintatlo sa mga ito ang nasawi makaraang makipagpalitan ng putok sa tropa ng mga sundalo habang nagsasagawa ng clearing operations sa dalawang tulay sa lungsod.
Nangako si Galvez na ipagpapatuloy ang pagtugis sa mga grupo ng Maute upang manumbalik na ang kapayapaan sa Marawi City at sa buong Mindanao region.