Bilang pagsuporta sa pagdedeklara ni Pangulong Rodrigo Duterte ng Martial Law sa Mindanao, nagpatupad ang Cotabato City government ng ‘no ID, no entry’ policy.
Ayon kay Cotabato City Mayor Cynthia Guiani-Sayadi, ito ay para matiyak na walang makapapasok na masasamang elemento sa lungsod na maaaring maghasik ng karahasan sa mga residente.
Napagkasunduan ang desisyon matapos ang emergency meeting ni Guiani-Sayadi sa mga pinuno ng barangay kasunod ng madugong pag-atake ng mga terorista sa Marawi City.
Ipinag-utos din ng alkalde ang mas pinaigting na presensya ng pulisya at militar sa lungsod ang ang pagsasagawa ng checkpoints sa mga lugar na kinakailangan ito.
Dahil dito, inabisuhan ni Guiani-Sayadi ang mga residente at mga turista na asahan na ang mahigpit na checkpoints papasok at palabas sa Cotabato City, na ipatutupad naman ng Joint Task Force Kutawato.
Sinabi ng alkalde na lahat ng papasok sa lungsod mula sa hilaga at timog na bahagi ng Cotabato City at kinakailangan may dalang ID.
Lahat aniya ng motorista ay obligadong mag log in sa mga checkpoint at magpakita ng valid ID.