Patuloy na lumilikas ang mga residente ng Marawi City sa gitna ng bakbakan sa pagitan ng pwersa ng gobyerno at ng sympathizers ng ISIS terror group na Maute.
Batay sa impormasyong nakalap ng Radyo Inquirer, dumagsa ang mga residenteng nagnanais lumabas ng lungsod sa pangambang maipit sa bakbakan.
Nagdulot ito ng matinding trapiko papalabas ng lungsod dahilan para maglakad ang ilan papalabas ng Marawi City.
Sa kabila nito, may mga residenteng hindi pa rin makalikas sa kani-kanilang mga bahay.
Ayon sa source ng Radyo Inquirer sa Marawi City na itinago sa pangalang Ina, hindi sila makaalis sa lugar dahil wala silang masakyan.
Hindi na pinapayagan ang mga nagtatangkang pumasok sa kanilang kinalalagyan.
Aniya, “Nandito pa rin kami, hindi kami makaalis. May bitbit pa kaming mga bata.”
Nananawagan naman ang mga residente ng tulong mula sa gobyerno para mailikas sa kanilang lugar sa lalong madaling panahon, partikular na sa mga malapit sa mga kuta ng Maute terror group.
Suliranin din ng mga residente ang kawalan ng suplay ng kuryente, tubig, at pagkain.