Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Bishop Dela Peña na aabot sa labinlima katao ang binihag kabilang na ang ilang kasambahay at pari.
Sa labinlima aniya na binihag, sampu dito ang mga pari at lima ang kasambahay.
Paniniwala nila, dinala sa hindi mabatid na lugar ang mga bihag pero posibleng sa loob lang ng Marawi City.
Kwento ni Dela Peña, bandang 7:30 – 7:45 ng gabi mayroon tumawag sa kanya na isang lalaki na matigas ang accent kung saan iniutos nito na makipag-ugnayan sila sa militar at hilingin ang pagdedeklara ng ceasefire.
Kung hindi aniya makakapagdeklara ng ceasefire makalipas ang isang oras ay pa isa-isa manghohostage ang naturang armed group.
Sinabi pa ni Dela Peña na dalawang beses tumawag sa kanya ang naturang lalaki.
Wala naman aniyang hiningi na pera sa kanila, at tanging ang pagdedeklara lang ng ceasefire ang hiniling para makaalis sila sa Marawi nang hindi tinutugis.
Sa ngayon, idinagdag ni Dela Peña, na wala pa silang nakukuha na panibagong detalye ukol sa naturang pandurukot.