Wala pa ring kuryente ang unang distrito ng Ilocos Sur at kabuuan ng lalawigan ng Ilocos Norte.
Ito ay dahil sa hindi pa rin natatapos ng National Grid Corporation of the Philippines o NGCP ang pagsasaayos sa nasirang San Esteban-Laoag transmission lines.
Sa abiso ng NGCP, 50 percent nang tapos ang pagkukumpuni sa nasabing linya na nasira sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Ineng.
Walong line gangs ng NGCP at kanilang support team ang nagtutulong-tulong sa pagsasa-ayos ng nasirang tower sa Nanguneg, Narvacan, Ilocos Sur.
Una ng sinabi ng NGCP na target nilang maibalik ang suplay ng kuryente sa dalawang lalawigan bukas, August 26, 2015.
Sa abiso naman ng provincial government ng Ilocos Norte, dahil wala pa ring kuryente sa buong lalawigan, ang mga residente ay maaring maki-charge ng kanilang mga cellphones sa mga sumusunod na lugar”
1. Provincial Capitol
2. Paoay Auditorium
3. Solsona Municipal Hall
4. Gabu (Laoag City) Barangay Hall
Sa ngayon kanselado pa rin ang klase mula pre-school hanggang elementary sa bayan ng Pasuquin sa Ilocos, Norte at hanggang high school naman sa bayan ng Solsona batay sa deklarasyon ng mga alkalde.
Sa Laoag City naman, suspendido rin ang klase hanggang elementarya./ Dona Dominguez-Cargullo