Itutuloy ngayong araw ng depensa ang pagprisinta ng kanilang testigo kaugnay sa kaso ng pagpatay sa transgender na si Jennifer Laude.
Ayon kay Atty. Jay Tolosa, isa sa mga abogado ni US Marine Lance Corporal Joseph Scott Pemberton, ihaharap nila ngayon sa pagdinig ng Olongapo City RTC Branch 74 si Dr. Rachel Fortun.
Patutunayan aniya ni Fortun na mali ang sinasabing dahilan ng pagkamatay ni Laude. Si Fortun na rin ang huling testigo ng depensa.
Samantala, matapos aminin kahapon ni Pemberton na nasakal nga niya si Laude, sinabi ng prosekusyon na lalo pang lumakas ang kanilang kaso laban sa akusado.
Ayon kay Olongapo City Chief Prosecutor Emilie Fe Delos Santos, sa cross examination kay Pemberton kahapon naipakita nila na mayroong mga inconsistency sa testimonya nito.
Malaking tulong din ayon kay Delos Santos ang naging pagtestigo ni Pemberton sa korte matapos nitong aminin na nagkaroon ng pagtatalo sa pagitan nila ni Laude.
Ayon kay Delos Santos, lumitaw kasi sa salaysay ni Pemberton na nahulog sa kama si Laude matapos niyang itulak na nasundan ng pananampal sa kaniya ni Laude at panununtok niya sa biktima.
Sa salaysay rin ni Pemberton, sinabi ni Delos Santos na nagpambuno pa si Laude at ang US Marine kano hanggang sa sakalin ito sa pamamagitan ng pag-armedlock hanggang sa hindi na ito kumilos at saka kinaladkad sa CR upang buhusan sana ng tubig para ma-revive.
Ang bahaging iyon ng salaysay ni Pemberton ayon kay Delos Santos ay malaking bagay upang lalong mapagtibay ang kaso./ Erwin Aguilon