Marawi City nilusob ng mga suspected ISIS members

Marawi3
Contributed photo

Kinubkob ng ilang mga armadong kalalakihan na sinasabing mga miyembro ng ISIS ang Amai Pakpak Medical Center sa Marawi City.

Kaagad na ibinaba ng mga armadong kalalakihan ang bandila ng Pilipinas sa nasabing ospital at saka itinaas ang watawat ng ISIS.

Ito ay makaraan ang naganap na barilan kaninang pasado alas-dos ng hapon sa nasabing lugar.

Sinabi ni Col. Jo-ar Hererra, Spokesman ng Philippine Army 1st Infantry Division na nauna nilang sinalakay ang pinaniniwalaang hideout ng mga ISIS sa Barangay Basak.

Ang nasabing lugar ay kalapit lamang ng Headquarters ng Lanao Del Sur na sinasabing nakuha rin ng mga miyembro ng Abu Sayyaf sa pangunguna ng kanilang lider na si Isnilon Hapilon.

May mga ulat rin na kasama ng Abu Sayyaf Group na pumasok sa lungsod ang mga miyembro ng Maute Group na parehong nagpapakilalang kaalyado ng ISIS.

Ayon sa source ng Radyo Inquirer, ilang mga lansangan rin sa lungsod ang kontrolado ngayon ng mga bandidong grupo na nakasuot ng facial masks at may bandila pa ng ISIS.

Sa hiwalay na pahayag, sinabi ni Lanao Del Sur Police Director Oscar Nantes na may mga bakbakan rin na naganap sa Barangay Caloocan hanggang kaninang pasado alas-sais ng gabi.

Samantala, sinabi naman ni Marawi City Mayor Majul Usman Gandamra na nananatiling kontrolado ng tropa ng pamahalaan ang Marawi City Hall.

Nagbigay na rin siya ng utos sa mga lider ng Barangay na manatili sa kanilang mga bahay at payuhan ang mga residente na umiwas muna sa mga lansangan.

Pinakiusapan rin niya ang mga tauhan ng pulisya at militar na umiwas muna sa putukan para maiwasang manghostage ng mga sibilyan ng mga pinaniniwalaang ISIS members.

Sa ngayon ay wala pa umano silang natatanggap na report kung may namatay o sugatan sa mga naganap na barilan sa ilang mga lugar sa lungsod.

Naniniwala rin ang opisyal na nagpapakita lamang ng pwersa sa Marawi City ang mga kasapi ng ISIS.

Samantala, pasado alas-sais ng gabi ay sumiklab naman ang malaking sunog sa loob ng Marawi City Jail.

Wala pang inilalabas na ulat ang mga otoridad sa kundisyon ng mga nakakulong sa naturang bilangguan.

Contributed photo
Contributed photo

 

Contributed photo
Read more...