Komite sa senado, hindi kumbinsido sa testimonya nina Lascañas at Matobato vs. DDS

 

Kulang ang kredibilidad ng mga self-confessed hitmen na sina Arturo Lascañas at Edgar Matobato, upang mapatunayang totoo ang Davao Death Squad (DDS).

Ito ang napagdesisyunan ng Senate committee on public order and dangerous drugs na pinamumunuan ni Sen. Panfilo Lacson, base sa findings at rekomendasyon kaugnay ng ginawang pag-amin ni Lascañas.

Sa report ng naturang komite, iginiit na hindi si Lascañas ang taong makapagpapatunay sa “actual existence” ng DDS.

Bukod din sa pag-amin na ginawa ng dalawa, wala na rin anilang ibang ipinresentang ebidensya sina Lascañas at Matobato para patunayan ang kanilang sinasabi, kaya idineklara itong walang probative value.

Nang tanungin naman si Lacson kung bakit hindi siya nagrekomenda na sampahan ng kasong perjury si Lascañas, sinabi ng senador na ipauubaya na niya ito sa Department of Justice, oras na i-adopt ng Senado ang kanilang report.

Matatandaang sa unang pagharap ni Lascañas sa imbestigasyon, pinabulaanan niya ang mga ginawang pag-amin ni Matobato, ngunit kalaunan ay binawi din at iginiit na totoo ang mga ito.

Read more...