Higit 5,000 OFW, inaasahang makakabalik ng Pilipinas mula sa Saudi Arabia sa Hunyo

OFWs-LibyaInaasahang makakabalik na ng bansa ang mahigit limang libong overseas Filipino workers mula sa Saudi Arabia hanggang sa susunod na buwan.

Ayon kay Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator Hans Cacdac, pasok ang mga naturang OFWs sa 90-day “Nation Without Violations” o amnesty program ng Saudi Arabia na matatapos sa June 29.

Aniya pa, 1,000 OFWs ang unang batch na makakauwi ng Pilipinas habang 2,000 pa ang inaasahang makakatanggap ng exit visas.

Kaugnay nito, handa na rin ang Department of Labor and Employment na magbigay-tulong sa mga OFW sa ilalim ng Assist WELL (Welfare, Employment, Legal and Livelihood) program.

Dagdag pa ni Cacdac, may tsansang pumili ang mga OFW ng livelihood programs sa negosyo o trabaho sa pamamagitan ng comprehensive assistance program ng administrasyong Duterte.

Maliban dito, makakatanggap rin sila ng livelihood starter kit na nagkakahalaga ng P10,000 hanggang P20,000 sa ilalim ng “Balik-Pinas, Balik-Hanapbuhay” program ng National Reintegration Center.

Samantala, mahigit 11,000 OFWs ang natanggalan ng trabaho matapos maapektuhan ng krisis sa krudo ang siyam na kumpanya sa naturang bansa.

Read more...