Ipinahayag ito ni Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio makaraang isiwalat ni Pangulong Rodrigo Duterte na nagbanta si Chinese President Xi Jinping na gagamit ng pwersa laban sa Pilipinas kapag kumuha ito ng langis sa Reed Bank.
Ang naturang lugar ay bahagi ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas sa West Philippine Sea ngunit inaangkin ito ng China.
Sinabi ni Carpio na ipinakikita nito na agresibo ang China laban sa Pilipinas.
Iginiit niya na tungkulin ni Duterte na protektahan ang teritoryo ng bansa sa lahat ng legal na paraan sa ilalim ng international law.
Babala ni Carpio, kapag hindi tinugunan ng Pilipinas ang banta ng China ay posibleng tuluyang mawala ang mas marami pang mga terotoryo ng bansa sa West Philippine Sea.
Dagdag ni Carpio, kapag hindi i-develop ng Pilipinas ang Reed Bank, posibleng makaranas ang Luzon ng 10 hanggang 12 na brownout araw-araw sa susunod na 10 taon kapag naubos na ang natural gas sa Malampaya na siyang nagsu-suplay ng 40% ng kuryente sa rehiyon.
Si Carpio ay kasapi ng legal team ng bansa sa Permanent Court of Arbitration sa The Hague, Netherlands kung saan nagsampa ng reklamo ang Pilipinas laban sa China kaugnay sa pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea.