Nagpulong na ang Senate Electoral Tribunal o SET para sa disqualification case laban kay senador Grace Poe sa usapin ng kanyang citizenship na una nang inihain ng talunang senatorial candidate na si Rizalito David.
Tumagal ng mahigit dalawang oras ang pagpupulong ng SET.
Ayon kay Justice Antonio Carpio, tumatayong chairman ng SET, hihintayin nila ang sagot ni Poe hanggang sa September 1.
Magsasagawa aniya ang SET ng pre-trial conference sa September 11.
Paliwanag ni Carpio, sa pre-trial conference ay kanilang aalamin kung kailangang maglatag ng mga karagdagang ebidensya ang kampo ni David at ni Poe pero maari din daw na pumayag na agad sila na desisyunan ang usapin.
Hindi naman masabi ni Carpio kung madedesisyunan ang kaso ni Poe bago ang deadline ng paghahain ng Certificate of Candidacy.
Nakasalalay raw kasi ito sa kung anong ebidensya ang ihahain ng magkabilang panig. Pero kung papayag aniya ang dalawang kampo na desisyunan ang kaso base sa mga inihaing dokumento, posibleng maresolba ito sa pagitan ng Oktubre at Nobyembre.
Nilinaw ni Carpio, na pwedeng maghain ng COC si Poe kahit hindi pa nadedesiyunan ang disqualification case laban sa kanya.
Wala rin naman aniyang ibang nakahain na kaso sa SET kaya’t mabilis nila itong matatapos lalo’t hindi naman ito kagaya ng ibang kaso na kailangang beripikahin ang bilang ng mga balota./Chona Yu