Ipatutupad na ng Department of Transportation o (DOTr) ang “Anti-Distracted Driving Act” simula sa Huwebes, May 18, 2017.
Dahil dito, bawal nang gumamit ng cellular phones ang mga nagmamaneho saan man sa bansa.
Base sa implementing rules and regulations na inilabas ng DOTr, hindi maaaring gawin ng mga motorista ang mga sumusunod habang umaandar ang sasakyan o kahit pa nakahinto sa stoplight o intersection:
1. Paggamit ng mobile communication device kahit mag-text;
2. Magpadala o magbasa ng text-based communication;
3. Tumawag, sumagot ng tawag; o anumang katulad na gawain
Ang mga sasakyang pang-agrikultura, gaya ng traktora, o mga gamit sa construction, gaya ng bulldozers o crane, ay sakop ng mga nasabing pagbabawal kung dumadaan ito sa mga pampublikong daanan.
Hindi naman kasali sa mga probisyong ito ang mga motorista na tumatawag para sa emergency.
P5,000 ang multa sa unang paglabag, P10,000 sa ikalawang paglabag, P15,000 at pagkaka-suspinde ng lisensya ng tatlong buwan sa ikatlong beses; at P20,000 at pagkakawalang-bisa ng lisensya sa ika-apat at susunod pang beses.
Pananagutin rin ang may-ari o operator ng sasakyang mahuhuling lalabag, liban na lang kung mapapatunayan niyang hindi siya nagkulang sa pangangasiwa sa nahuli.