Impeachment complaint na inihain ni Alejano, kalokohan lang ayon kay Pangulong Duterte

Inquirer file photo
Inquirer file photo

Hindi na nagulat si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagbasura ng House Committee on Justice sa impeachment complaint na inihain ni Magdalo Partylist Rep. Gary Alejano laban sa kanya.

Ayon sa pangulo, kalokohan lamang kasi ang laman ng reklamo ni Alejano.

Nagtataka ang pangulo kung ano pa ang gusto ng mga kritiko gayung ilang beses na siyang naimbestigahan hinggil sa umano’y Davao Death Squad (DDS).

Tinukoy ni Duterte ang ginawang imbestigasyon noon ng Commission on Human Rights (CHR) sa pangunguna ni noo’y chairperson Leila de Lima, gayundin sa Department of Justice (DoJ) at sa Senado subalit wala namang isinasampang kaso sa korte.

“Look, I was investigated by the Human Rights when Delaila was still the chairman. I was investigated again when she was the Justice secretary. Then I was investigated again by the Senate and I was investigated again by the House,” ani Duterte.

Iginiit ni Pangulong Duterte na marami lang gustong sumakay ng paulit-ulit sa isyu pero wala sa kanyang karakter ang magpapatay ng walang kalaban-laban lalo na sa bata.

Samantala, malaya naman daw si Alejano na ituloy ang kanyang balak na dalhin sa International Criminal Court (ICC) ang kanyang reklamo dahil bahagi ito ng demokrasya.

“Yeah, he can go ahead. He is free to do it. This is a democracy. O ganun rin,” dagdag pa ni Duterte.

Read more...