Hustisya para sa mga Filipino, layunin ng muling pag-iimbestiga ng DOJ sa pork barrel scam

Aguirre‘Ito ay pagpapatupad lamang ng hustisya’.

Ito ang naging pahayag ni Justice Sec. Vitaliano Aguirre II nang tanungin kung ano ang layunin sa muling pag-iimbestiga ng DOJ sa kontrobersyal na pork barrel scam.

Sa panayam ng Radyo Inquirer, iginiit ni Aguirre na ang reinvestigation sa pork barrel scam ay hindi nangangahulugan na
naghihiganti ang kasalukuyang administrasyon.

Sa katunayan aniya, hindi pa niya nakakausap si Pangulong Rodrigo Duterte ukol sa naturang isyu.

Ani Aguirre, nais lamang nila na mabatid kung bakit sa daan-daang pulitiko na idinawit ni Janet Napoles sa pork barrel scam, ay tatlo lamang ang kinasuhan at ikinulong.

“Isa lamang po, yung pagbibigay ng katarungan sa ating mga Filipino, sa mga kababayan natin. Alam naman po natin na daan-daan ang involve dito sa scam na ito ng PDAF. Alam din natin na hundreds of people are involve in these in the past pero tatlo lamang ang nakasuhan at nabilanggo o na-convict,” ani Aguirre.

Binanggit ng kalihim na noong si Sen. Leila de Lima pa ang namumuno sa DOJ ay ilang beses itong nangako na ilalabas ang mga panibagong batch ng mga kakasuhan, pero hindi naman nangyari.

“Alalahanin po natin na noong nakaupo pa si Sec. De Lima noon ay tandang tanda ko pa na siguro no less than 3 times na nangako yan na by next week ilalabas ang second batch, third batch, hindi po nangyari yan,” pahayag pa ni Aguirre.

Malinaw aniya na ang ibig sabihin nito ay nagkaroon ng failure of justice o selective justice.

Read more...