Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Aguirre na hindi sila magbibigay ng pribilehiyo kay Napoles tulad ng pagpapalaya sakaling mapabilang ito sa Witness Protection Program ng DOJ bilang state witness.
“Gusto ko pong linawin na sa lahat na although bubuksan yan, it doesn’t mean na palalayain ni Janet Napoles katulad nung akusasyon sa DOJ noon nung gamitin natin itong mga high profile inmates,” pahayag ni Aguirre.
Ayon pa kay Aquirre, kahit pa maging state witness pa si Napoles, hindi maaapektuhan nito ang kanyang iba pang kaso.
Ang mangyayari lamang aniya ay hindi maaaring patawan si Napoles ng mga bagong kaso batay sa kanyang magiging testimonya kapag naging state witness na ito.
“Hindi po nangangahulugan na porke magiging state witness siya or nangangako siya na maging state witness, ay meron tayong ibibigay na privilege sa kanya na katulad ng pagpapalaya. Hindi po ganun. Hindi po maaapektuhan yung ongoing cases niya,” dagdag pa ni Aguirre.
Matatandaang na bukod sa paglilipat ng kustodiya, hiniling din ng kampo ni Napoles na gawin itong state witness at makapag-piyansa sa mga kasong may kaugnayan sa pork barrel scam.