Ayon kay Justice Sec. Vitaliano Aguirre, tila nakapagtataka ang naging pagsuko ni Napoles noong August 2013 kung saan dumiretso ito sa Malacañang.
Napaulat din aniya na sinamahan pa si Napoles nina dating Pangulong Benigno Aquino III at dating Interior Sec. Mar Roxas sa headquarters ng Philippine National Police sa Camp Crame.
Giit ni Aguirre, malinaw na mayroong high-ranking officials na sangkot dito.
Kinuwestyon din ng kalihim kung bakit tatlong senador lamang ang kinasuhan sa Sandiganbayan at ikinulong gayung maraming mambabatas ang nasa listahan ni Napoles na isinumite kay dating DOJ Sec. Leila De Lima ang sangkot sa pork barrel scam.
Kabilang sa tinutukoy na mga senador ni Aguirre ay sina Senators Juan Ponce Enrile, Ramon Revilla Jr. at Jinggoy Estrada na kasalukuyang nakadetine hanggang ngayon.
Naniniwala si Aguirre na ang isinagawang imbestigasyon ng nagdaang administrasyon sa pork barrel controversy ay “selective” at isang “miscarriage of justice”.
Posible aniyang simulan ang reinvestigation sa tinatawag na “Napolist” na una nang isinumite ng tinaguriang pork barrel scam queen sa DOJ.
Una nang itinakda ng DOJ ang imbestigasyon sa posibilidad na gawing state witness si Napoles.