Asec. Uson, dedepensa kontra ‘fake news’ ng media vs Duterte

 

Ang paglaban sa mga ‘fake news’ laban sa Duterte administration sa social media ang siyang tututukan ng bagong Assistant Secretary ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) na si Mocha Uson.

Sa kanyang Facebook page, sinabi ni Uson na bahagi ng kanyang magiging responsibilidad bilang bagong opisyal ng PCOO ay ang gamitin ang social media upang labanan ang mga pekeng mga balita at ilapit ang administrasyon sa puso ng mga Pinoy.

Sa kanya ring blog, sinabi nito na panahon na upang iwaksi ng publiko ang mga maling balita na ipinapakalat ng ‘mainstream media’ at tulungan na isiwalat ang mga totoong nangyayari sa lipunan sa tulong ng mga miyembro ng DDS o Die-hard Duterte Supporters.

“Sa mga nagtatanong po kung ano po ba ang gagawin natin sa PCOO. Ang ating pong tututukan sa PCOO ay ang mailapit ang mga ordinaryong Pilipino sa pamahalaan sa pamamagitan ng Social Media. At ma-idiretso ang TAMANG BALITA sa ating kababayan sa pamamagitan ng SOCIAL MEDIA. Samahan po niyo ako mga kaDDS. Panahon na na hindi na tayo umasa sa mga MALING BALITA ng ilang mainstream media,” bahagi ng mensahe ni Uson.

Isa si Uson sa mga masugid na nangampanya kay Pangulong Rodrigo Duterte noong panahon ng kampanya.

Inamin rin ng pangulo na malaki ang kanyang utang na loob dito.

Kasama si Uson sa delegasyon ng pangulo sa pagtungo nito sa Cambodia, Hong Kong at Beijing.

Read more...