Umapela si House Committee on Suffrage and Electoral Reforms Chairman Sherwin Tugna sa Commission on Appointments o CA na maging metikuloso pa rin sa paghimay sa kwalipikasyon ni bagong DENR secretary Roy Cimatu.
Ayon kay Tugna, kung gaano kahigpit ang CA sa iba pang appointees ni Pangulong Rodrigo Duterte gaya kay dating DENR secretary Gina Lopez, dapat ganoon din ang pairalin kapag sumalang na sa makapangyarihang lupon si Cimatu.
Paalala nito, marapat na maging patas ang CA sa lahat ng pagkakataon, at sa pagsala sa kahit sinumang opisyal ng pamahalaan.
Giit ng mambabatas, bagama’t dati nang naging mataas na opisyal ng AFP at naging special envoy para sa OFWs si Cimatu, kailangang matiyak pa rin kung akma ba siya para mamuno sa DENR.
Maliban dito, sinabi ni Tugna na huwag daw palampasin ng CA ang pagkakataon na linawin mismo ka Cimatu ang mga anomalya at kontrobersiya na kanyang kinasangkutan.
Kabilang na rito ang umano’y “Pabaon at Pasalubong issue” sa military noong aktibo pa siya sa AFP.