Duterte: Tinulungan kong magtago si Sen. Gringo Honasan sa Davao City

gringo-honasan
FILE PHOTO

Ibinunyag ni Pangulong Rodrigo Duterte na kasama niya si Sen. Gringo Honasan sa Davao City noong mga panahon na nagtatago ang mambabatas sa mga otoridad.

Si Honasan ay idinawit sa destabilization plot laban kay dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo noong 2003 at 2006.

Sa commissioning ng bagong barko ng Philippine Red Cross, sinabi ni Pangulong Duterte na nabigo ang mga otoridad na makilala si Honasan noong naglilibot ito sa Davao City.

Ayon sa pangulo, noong mga panahon na hinahanap si Honasan ng gobyerno, kasama niya ito at ang isang nagngangalang ‘Rod’ na mula sa Philippine Airforce.

Masaya aniya silang naglibot sa mga kalsada sa Davao City habang nakasuot ng helmet.

Kumain pa aniya sila ng senador ng durian habang naglilibot sa Davao pero hindi siya nakilala ng mga otoridad.

Pero hindi naman binanggit ni Pangulong Duterte kung kailan nagtago ang mambabatas sa naturang lungsod.

Parehong present sina Honasan at Arroyo sa isinagawang commissioning ng bagong humanitarian ship ng PCG na “MV Amazing Grace”.

Matatandaang si Honasan ang namuno sa ‘Reform the Armed Forces Movement’, na siyang nanguna sa mga madugong kudeta laban kay dating Pangulong Corazaon Aquino.

Read more...