NPA, hindi mapapasunod ng negotiating panel

12joma-sisonAminado si Communist Party of the Philippines (CPP) chairman Jose Maria Sison na hindi nila maaring kontrolin ang pwersa ng New People’s Army (NPA).

Ayon kay Sison, walang sinumang na nasa Netherlands ang maaring magbigay ng utos sa pwersa ng mga rebelde na nasa Pilipinas.

Paliwanag niya, mayroong mga pinuno ang CPP, NPA at National Democratic Front of the Philippines (NDFP) sa Pilipinas, at iyon ang nagbibigay ng utos sa negotiating panel ng NDFP.

Dagdag pa niya, hindi makakapalag ang negotiating panel sa kung ano ang iuutos ng mga pinuno ng CPP-NPA-NDFP na nasa Pilipinas.

Kapag aniya sinabi ng mga ito na itigil na ang partisipasyon ng NDFP sa peace talks, iyon ang kanilang susundin.

Matatandaang dismayado na ang ilang sangay ng pamahalaan, partikular ang Department of National Defense (DND) kung saan napapailalim ang Armed Forces of the Philippines (AFP) dahil sa patuloy na mga pag-atakeng isinasagawa ng NPA.

Hindi pa rin kasi itinitigil ng mga rebelde ang kanilang pagsalakay at pag-atake kahit na nagpapatuloy pa rin ang usaping pangkapayapaan sa pagitan ng NDFP at ng pamahalaan.

Samantala, gaganapin ang ika-limang round ng peace talks sa May 26 hanggang June 2 sa Netherlands.

Read more...