Ayon kay Western Mindanao Command (Wesmincom) chied Lt. Gen. Carlito Galvez Jr., kabuuang 60 bandidong miyembro ng Abu Sayyaf na ang kanilang napatay sa 29 na operasyon mula noong Enero.
Gayunman, siyam na tropa naman ng pamahalaan ang nalagas, at karamihan sa mga ito ay pawang mula sa militia forces dahil rin sa nasabing mga operasyon.
Ayon pa kay Galvez, sa nagdaang apat na buwan na mas pinaigting na laban nila kontra Abu Sayyaf, gumuho na ang lakas ng bandidong grupo.
Ngayon aniyang dalawang buwan na lang ang natitira sa anim na buwang ultimatum na ibingay sa kanila ni Pangulong Rodrigo Duterte, bumagsak na sa nasa 100 ang bilang ng kanilang mga tauhan mula sa dating nasa 600 na armadong bandido.
Dati aniya ay nakakasagupaan ng mga sundalo ang isang malaking grupo ng Abu Sayyaf na binubuo ng nasa 400 na miyembro, ngunit ngayon ay umaabot na lang sa 40 hanggang 50 ang kanilang nakaka-engkwentro.
Katwiran ni Galvez, marami na ring miyembro ng grupo ang kumalas na.
Sa nagdaang apat na buwan ay 13 miyembro rin ang kanilang naaresto, 35 ang nasugatan habang 41 na ang sumuko.
Samantala, sa kaso ng Maute group, 56 na mga local at foreign terrorist na ang kanilang napatay sa pitong engkwentro, habang pito ang nasugatan at isa ang naaresto.
Aabot naman na sa 36 na miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighter (BIFF) ang nasawi sa siyam na operasyon ng mga otoridad.