Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Bayan Secretary General Renato Reyes na tutol sila sa pagkakaappoint kay Cimatu dahil sa kanyang military background.
Posibleng aniyang pairalin ni Cimatu ang militarisasyon sa mga malalaking kumpanya ng minahan sa bansa.
“Malaking bahagi nung pagtutol sa appointment ni General Cimatu as DENR Secretary yung mismong military background niya at yung nagiging effect ng militarization ng bureauracy at malamang yung military approach niya sa mga oppositors, dun sa mga kumukontra sa mga big mining companies,” ani ni Reyes.
Hindi aniya nito makita kung paano magkakaroon ng kumpiyansa sa bagong talagang kalihim ng DENR ang mga indigenous people tulad ng Lumad at maging ang mga magsasaka dahil sa military background ni Cimatu.
“I don’t see how yung mga indigenous people, yung mga Lumad, yung mga farmers ay magkakaroon ng kumpiyansa doon sa DENR Secretary considering his military background,” pahayag pa ni Reyes.
Hindi naman naiwasan ni Reyes na ikumpara si Cimatu kay dating DENR Sec. Gina Lopez.
Ani Reyes, ibang iba si Cimatu kay Lopez na malaki ang pagsuporta sa iba’t ibang indigenous groups at farmers groups.
“Ibang iba po si General Cimatu compared halimbawa kay Gina Lopez who enjoined the suppor and confidence of the different indigenous groups and the farmers groups, dito parang magkaaway kaagad,” bahagi din ng pahayag ni Reyes.
Pero sa kabila nito, sinabi din ni Reyes na dapat ilatag na ni Cimatu ang kanyang mga programa kahit pa marami nang grupo ang hindi na masyado umaasa sa kanyang appointment.
Kahapon, itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte si Roy Cimatu bilang DENR Secretary kapalit ng hindi nakumpirmang si Gina Lopez.