Patay ang labing isang migrant habang halos dalawangdaan ang nawawala makaraang lumubog ang dalawang migrant boat sa Libya.
Nabatid na unang lumubog ang isang inflatable boat na umalis sa Libya noong nakaraang Biyernes sakay ang isandaan at tatlumpu’t dalawang pasahero.
Ilang oras matapos umalis sa Libya ang naturang bangka ay umimpis ito dahilan para hindi na makabalik at tuluyan nang lumubog.
Aabot sa limampung migrant lamang ang nakaligtas sa paglubog ng bangka na sinundo naman ng Danish container ship na “Alexander Maersk”.
Noong nakaraang Linggo naihatid ng Danish container ship ang naturang survivors sa Pozzallo sa Sicily, Italy kung saan nakaharap naman ng mga kinatawan ng UN High Commissioner for Refugees at International Organization for Migration.
Sinabi ng mga nakaligtas na kabilang sa mga nawawala ay mga bata.
Kasabay nito, sinabi naman ng isang opisyal mula sa Libyan Red Crescent na natagpuan naman ang mga katawan ng sampung babae at isang bata noong nakaraang Lunes sa isang beach sa Zawiya, na 50 kilometro ang layo sa kanlurang bahagi ng Tripoli.