Hindi naman kailangan na hintayin ang ganitong petsa para maiparamdam ang love sa ating mga ina, mommy, nanay, inay, mudrax, mader, ima at inang.
Anuman ang katawagan sa ating mga mother, mahalaga na buong taon ay kinikilala natin ang kanilang mga sakripisyo, mga pagsisikap at higit sa lahat ang pagmamahal.
Sa nakalipas at sa makabagong panahon ay nag-evolve na ang selebrasyon at opisyal itong kinilala tuwing ikalawang linggo ng buwan ng Mayo, ayon sa deklarasyon ni dating Pangulong Cory Aquino noong 1988.
Noong 1998 ibinalik ito ni dating Pangulong Estrada sa buwan ng Disyembre at pinag-isa na lang ang Mother’s at Father’s Day.
Sa kabila nito, ang sinusunod pa rin natin ay ang “second Sunday of May” bilang Mother’s day.
Pero para hindi malito, hindi naman kailangang magkaroon ng petsa ang mother’s day. Maaari naman itong gawin buong taon. Di ba?
Para sa mga anak, bigyan ng dahilan para matuwa ang ating mga ina kahit isang araw lang.
Alam natin na hindi madaling maging ina kaya hindi sapat ang isang araw para bigyan siya ng break sa kanyang mga gawain.
Bilang ina naman, may mga dapat din tayong tandaan gaya ng mga sumusunod :
Magkaroon ng panahon sa sarili. Bagaman mahal na mahal daw natin ang ating mga anak at ating asawa, hindi naman siguro magiging selfish kung mahalin din ang ating sarili at bigyan ng panahon ang sarili.
Turuan ng responsibilidad ang ating anak. Kadalasan na kapag hindi maganda ang ginawa ng isang bata, sinasabing “e kasi hindi maganda ang pagpapalaki sa kanya,” huwag daw hintayin ang ganitong pagkakataon. Sa murang idad, dapat turuan ang ating mga anak na maging responsable. Turuan din sila ng mga gawaing bahay.
Maging tamang halimbawa. Bago lumarga sa totong buhay, at sa lipunan ang ating mga anak, mauuna muna niyang makikita ang kanyang magulang at ginagawa ng kanyang mga magulang. Mahalaga na tama ang tutularan niya lalo na sa kanyang paglaki at yun ay walang iba kundi ikaw.
Makinig. Kapag may sinasabi ang ating mga anak, intindihin din natin sila at pakinggan ang kanilang sinasabi. Sa ganitong paraan, maipararating mo sa kanila na nariyan ka at maaari ka nilang sandigan sa panahon ng pangangailangan.
Go out. Alam natin na mahirap maging isang ina, pero hindi naman daw ito nangangahulugan na buburuhin mo ang sarili sa loob ng bahay. Bigyan din ng pagkakataon ang sarili na lumabas at ma-explore ang ibang “mundo” hindi lang ang loob ng ating bahay.
Ngayong mother’s day, sa gaya kong ina, mahalaga din na maiparamdam sa ating sarili na nakayanan ko na maging ina. Na hindi ako nilosyang ng pagiging ina. Na-enjoy ko na maging ina.
Kinarir ko man na maging Ina, wala naman akong pagsisi.
Pakinggan at panoorin tayo sa programang Balita Nueve Nubenta (Mon-Fri 5:00-6:00am) at tuwing sabado sa Warrior Anger (8:00-9:00am)