Mga kasapi ng Greenpeace, ikinadena ang sarili sa gate ng DENR

GREENPEACE
Kuha ni Jomar Piquero

Kinadena ng mga miyembro ng Greenpeace Philippines ang kanilang mga sarili sa gate ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa Quezon City.

Kasabay ito nang pagdedeklara nila na “not open for business” ang ahensya makaraang ibasura ng Commission on Appointments ang kumpirmasyon bilang kalihim ni Gina Lopez.

Katwiran ni Yeb Saño, Executive Director ng Greenpeace Southeast Asia, ang pagkilos ay pagpapakita nila ng pagtutol sa patuloy na pagkontrol nang malalaking korporyasyon sa gobyerno ng Pilipinas para itulak ang kanilang interes.

Giit ni Saño, hindi sila aalis sa kanilang mga kinalalagyan hanggang hindi natutugunan ang kanilang mga hiling, tulad na lamang nang reappointment kay Lopez at ilabas ng CA ang listahan ng kanilang naging botohan.

Sinabi naman ni Amalie Obusan, Country Director ng Greenpeace Philippines, wala silang ibang alam na tunay na nagsusulong ng pangangalaga sa kalikasan kundi si Lopez lamang.

Samantala, Suportado naman ng DENR Employees Union ang ginawang protesta ng grupong Greenpeace.

Read more...