Isinailalim sa interrogation ang isang abogado na sinasabing posibleng ‘target’ ng naganap na pagsabog sa Quiapo, Maynila.
Dinala sa Manila Police District Homicide Section para sa ilang katanungan si Nasser Abinal, pangulo ng Inamate Islamic Center.
Batay sa ilang source, si Abinal ay isa umanong Imam o lider ng Shia Muslim Community sa nasabing lugar.
Ayon sa kamag-anak ng isang nasugatan sa insidente, matagal nang nakatatanggap ng ‘death threats’ si Abinal.
Batay sa kwento ng mga residente, nakalagay umano ang bomba sa ‘package’ na ibibigay sana ng lalaking naka-motorsiklo kay Abinal.
Nang dadalhin na ang padala sa loob ng building, nagduda na ang mga tao sa loob ng Center na maaring bomba ang laman nito, dahilan para kanilang palabasin.
Nang nasa harapan na ng Center, sumabog na ito ilang minuto lamang matapos buksan.
Kabilang sa mga namatay ang lalaking nagdeliver ng package na hanggang sa ngayon ay hindi pa nakikilala.
Nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya sa nasabing pagsabog at inaalam pa rin ang posibleng motibo sa krimen.