Naipasa na sa ikatlo at pinal na pagbasa sa Kamara de Representantes ang pagdagdag ng parusa sa mga ospital at klinika na nagpapabayad ng cash deposit o advance payment bago tanggapin ang mga pasyente.
Batay sa House Bill 5159, pinaigting ang emergency health care service at pagbabawal ng cash deposit sa mga ospital pagdating sa emergency cases.
Sa kabila nito, iginiit ni committee on health chairman Angelita Tan na mayroon pa ring natatanggap na reklamo kung saan hindi pinapayagan ng ilang ospital na ma-admit ang pasyente sa emergency room o may seryosong kondisyon dahil hindi makapag-deposito.
Paliwanag ni Quezon City Rep. Jose Christopher Belmonte, pagsagip sa buhay ng tao ang tamang emergency service na hindi iniisip ang kakapusan sa pera.
Sa ilalim ng panukala, responsibilidad ng naka-duty na doktor o medical staff na alamin kung emergency o nasa seryosong kondisyon ang pasyente.
Sakaling hindi tumugon sa batas, mula sa dating P20,000, pagbabayarin ang tumangging hospital personnel ng P100,000 hanggang P300,000 o maaring makulong ng 6 buwan hanggang 2 taon
Kung naging batayan naman ang polisiya ng ospital, mula sa P100,000, makukulong ang hospital officer ng 4 hanggang 6 taon o pagmumultahin ng P500,000 hanggang 1 milyong piso na maaaring ibigay ng korte sakaling lumala ang kondisyon ng pasyente.