Ayon kay Wesmincom commander Maj. Gen. Carlito Galvez, ang pangunahing dahilan ng pagsuko ng mga bandido ay ang patuloy na operasyon ng militar sa lalawigan.
Ito rin aniya ang naging epekto ng kanilang mga operasyon pati na sa mga lalawigan ng Sulu at Tawi-Tawi.
Unang sumuko aniya sa Basilan noong Huwebes ay ang magkakapatid na Salapuddin sa bayan ng Hadj Mohammad Ajul.
Sina Patta, Asbi, Sayyadi at Arci Salapuddin ay pawang mga tauhan ni ASG subleader Alhabsy Misaya na napatay ng mga otoridad noong nakaraang buwan.
Ayon kay Galvez, ang magkakapatid ang nasa likod ng pag-atake sa MV Super Shuttle TB 1 noong Marso 23.
Kabilang din aniya sa mga sumuko ang mga subleaders na sina Nur Hassan Lahaman at Mudz-ar Angkun, kasama ang 13 sa kanilang mga tauhan.
Isinuko na rin nila sa mga otoridad ang siyam na matataas na kalibre ng mga armas, kabilang na ang isang 50-cal. na Barrett sniper’s rifle.
Sa ngayon ay nasa 60 miyembro na ng Abu Sayyaf ang sumuko sa mga otoridad ngayong taon.