“Neri Colmenares for Senator Movement” inilunsad sa Bacolod City

neriInilunsad ang bagong kilusan sa Bacolod City, Negros Occidental na nagtutulak kay Bayan Muna Rep. Neri Colmenares na tumakbo sa pagka-senador sa nalalapit na halalan 2016.

Ang paglulunsad ng “Neri Colmenares for Senator Movement” ay dinaluhan ng halos 1,000 na Negrenses kabilang na si Bacolod Mayor Monico Puentavilla na ginanap sa Bacolod Arts, Youth and Sports Center (BAYS).

Ayon kay Atty. Edmundo Manlapao, bukod sa pagkakaroon ng kinatawan ng Bacolod sa Senado, naniniwala silang madadala ni Colmenares ang kaniyang mga mabuting prinsipyo sa pulitika at siya ang magiging tagapagsalita ng mga mahihirap.

Lubos namang ikinagalak ni Colmenares ang suportang ipinapakita sa kaniya ng mga tao para tumakbo sa Senado, ngunit aniya, gustuhin man niya itong tanggapin, hindi pa siya makakapagdesisyon ngayon dahil isa sa suliraning kakaharapin niya ay ang kakulangan niya sa pera.

Dagdag pa ni Colmenares, sakaling tatakbo siya bilang senador, kakailanganin niya ang suporta ng Makabayan bloc na nakatakdang magpulong sa katapusan ng buwan para magdesisyon kung magdadala ba sila ng kanilang kinatawan sa senado para sa darating na halalan.

Natutuwa rin aniya siya sa dami ng mga pumunta sa naturang pagtitipon dahil pinapakita lamang nito na kinikilala ng mga tao ang trabahong kaniyang ginagawa sa kongreso.

Tubong Bacolod City si Colmenares na anak ng security guard at clerk sa konseho ng Bacolod./Kathleen Betina Aenlle

Read more...