Aquino at Binay, sabay na kakalap ng suporta mula sa mga Cebuanos

jejomar-binay
Inquirer file photo

Titipunin nina Pangulong Noynoy Aquino at Vice President Jojo Binay ang kani-kanilang mga taga-suporta sa Cebu, dalawang buwan bago ang pasahan ng certificate of candidacies para sa halalan 2016.

Kahapon nagsimula ang dalawang araw na sortie ng standard bearer ng oposisyon na si Binay sa Cebu, habang si Aquino naman ay mamumuno sa isang pagtitipo ng Liberal Party sa Cebu Coliseum na tinaguriang “Gathering of Friends” mamayang hapon kung saan inaasahang ipapakilala niya bilang standard bearer ng LP si DILG Sec. Mar Roxas sa kanilang mga kaalyado.

Nagkataon lamang ani Binay na nasabay ang pagpunta niya sa Cebu sa pagbisita ng Pangulo sa lungsod.

Inaasahang darating sa Cebu mamayang 10 ng umaga si Aquino kasama ang 11 na cabinet secretaries para inspeksyunin ang Mactan Circumferential Road at Sergio Osmeña Boulevard bago tumungo sa briefing ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Rogelio Singson sa Equipment Management Division ng DPWH sa Pier 3 ng Cebu City.

Kasabay nito, pamumunuan naman ni Roxas ang “Daang Matuwid People’s Dialogue” sa Cebu Normal University mamayang 10:30 ng umaga.

Samantala, sa layong 500 kilometro mula sa Cebu Coliseum ay naroon naman si Binay para tipunin ang kaniyang mga taga-suporta at mga kaalyado sa Toledo City.

Malakas ang paniniwala ni Binay na kahit nanalo si Aquino at Roxas sa Cebu noong 2013 Presidential elections, mas makukuha niya ang suporta ng mga Cebuanos sa susunod na halalan sa tulong na rin aniya ni Mayor Mike Rama na nangakong tutulong na mas palakasin ang pangalan niya sa Cebu.

Kilala ang Cebu bilang isa sa mga pinakamayaman sa boto sa bansa dahil sa 2,596,543 na rehistradong mga botante dito noong 2013 ayon sa Commission on Elections./Kathleen Betina Aenlle

Read more...