Nagbabala ang isang mambabatas na mamamatay ang mga kooperatiba sa bansa sakaling maging ganap ang House Bill 4774 o Comprehensive Tax Reform Package ng Duterte administration.
Ayon kay COOP-NATCO Partylist Rep. Anthony Bravo, kapag naging batas ang naturang panukala ay papatawan na ng value added tax o VAT ang mga kooperatiba.
Ibig sabihin ay hindi na mae-excempt sa buwis ang mga kooperatiba.
Pangamba ng mambabatas, aabot sa labing-apat na milyong coop members ang maaapektuhan ng Tax Reform Package ng gobyerno.
Paalala nito, ang mga kooperatiba ay non-profit organization, hindi gaya ng mga korporasyon.
Paglilinaw naman ni Bravo, suportado ng coop sector ang tax reform efforts ng administrasyong Duterte.
Gayunman, mas mainam aniya kung pananatalihin ang tax exemptions sa naturang sector, upang maipagpatuloy ng mga kooperatiba ang pagbibigay-serbisyo sa mga mahihirap na Pilipino.
Kahapon, inaprubahan na ng House Committee on Ways and Means ang o Comprehensive Tax Reform Package na isinusulong ng Malacañang.