Umaabot sa 200,000 ang bilang ng namamatay kada taon sa bansa dahil sa alta-presyon o high blood pressure.
Ayon kay Health Secretary Paulyn Jean Ubial, ang naturang bilang ay batay sa isang survey kung saan lumalabas na mahigit labing dalawang milyong Pilipino ang mataas ang presyon.
Dagdag pa ng kalihim, maituturing na isa aniyang “walking time bomb” ang isang taong may high blood dahil anumang oras, posibleng lumikha ng mas malalang kondisyon tulad ng stroke, atake sa puso, heart at kidney failure.
Kaugnay nito, pinaalalahanan ng ahensiya ang publiko na regular na magpakuha ng blood pressure sa mga pampublikong health centers at ospital upang matutukan ang kondisyon.
Samantala, inilunsad nina Ubial kasama si Manila City Mayor Joseph Estrada ang buwan ng Mayo bilang National Hypertension Awareness Month.