Tax reform package, lusot na sa committee level sa Kamara

Inquirer file photo
Inquirer file photo

Kinumpirma ni Albay Rep. at senior vice chairman ng House committee on ways and means na si Joey Salceda, na naaprubahan na sa committee level ang panukalang tax reform package.

Sa panayam ng Radyo Inquirer kay Salceda, sinabi niyang ang nasabing tax reform package ay kahalintulad lamang ng ipinanukala ng Department of Finance (DOF), pati na ng mga panukalang inihain sa mga nagdaang administrasyon.

Mayroon aniyang apat na component ang nasabing panukala – ang pagpapababa sa personal income tax; pagtataas ng buwis sa petrolyo partikular na sa diesel; pagtataas ng buwis sa kotse at pagbabawas sa mga nasasakupan ng VAT exemption.

Paliwanag ni Salceda, dahil iminumungkahi nilang ibaba ang singil ng income tax, babawiin na lang ang mababawas sa koleksyon sa pagpapataw naman ng buwis sa produktong petrolyo.

Gayundin aniya ang magiging silbi ng pagtataas ng buwis sa sasakyan, at pagbabawas naman sa mga nasasakupan ng value added tax (VAT) exemption.

Tiniyak naman ni Salceda na hindi magagalaw sa mga exempted sa VAT ang mga senior citizens at persons with disability.

Kaugnay naman ng income tax reform, sinabi ni Salceda na oras na maipasa ito, ang mga empleyado sa pribadong sektor na kumikita ng 18,000 pababa kada buwan ay hindi na magbabayad ng buwis.

Hindi na rin aniya magbabayad ng buwis ang mga empleyado ng pamahalaan na nasa Salary Grade 15 o P18,000-20,000 pababa.

Basta aniya ang mga kumikita ng P250,000 kada taon pababa ay hindi na magbabayad, at maging sa kanilang bonus ay wala nang ipapataw na buwis.

Samantala, ngayong nakalusot na sa committee level, mapupunta na ito sa committee on appropriations, at pagkatapos ng earmarking ay ibabalik ito sa committee on ways and means para magawa na ang report as rules committee.

Mula naman sa rules committee, dadalhin ito sa plenaryo.

Dagdag pa ni Salceda, posibleng maging kasing-tagal ng pagproseso sa panukalang panunumbalik ng death penalty ang proseso nito. Maari aniyang abutin pa ng susunod na taon ang pagpapatupad nito.

Read more...