Ayon kay government peace panel chairman Silvestre Bello III, nabigyan na nila ang pamahalaan ng Norway ng kopya ng nasabing reklamo, dahil ito ang nagsisilbing facilitator ng peace talks sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas at National Democratic Front of the Philippines (NDFP).
Dagdag ni Bello, hindi niya palalampasin ang mga pag-atake ng NPA, at makikipagkita siya sa chairman ng NDFP para pagpaliwanagin ito tungkol sa isyu.
Aniya pa, mistula kasing wala nang kontrol ang NDFP sa NPA, kaya patuloy pa rin ang mga ginagawa nitong pag-atake sa kabila ng umiiral na peace talks.
Iniutos na rin aniya ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagsasagawa ng imbestigasyon, pero hindi naman ito nagpahiwatig ng kagustuhan na ihinto na ang usaping pangkapayapaan.