Presensya ng ISIS sa Metro Manila, itinanggi ng PNP

Dionardo-CarlosMariing itinanggi ng Philippine National Police (PNP) na nakarating na sa Metro Manila ang teroristang grupong Islamic State of Iraq and Syria o ISIS.

Pinawi ni PNP spokesperson Chief Supt. Dionardo Carlos ang mga haka-haka tungkol sa presensya ng teroristang grupo, makaraang akuin nito ang pagsabog sa Quiapo, Maynila kamakailan.

Sa panayam ng Radyo Inquirer kay Carlos, sinabi niyang maaring mayroong posibilidad ng banta ng seguridad sa Metro Manila tulad ng unang nabanggit ni National Capital Regional Police Office (NCRPO) Director Oscar Albayalde.

Gayunman, tiniyak ni Carlos na sa ngayon ay wala pa silang namomonitor, at na agad nilang ipapaalam sa publiko sakali mang mag-positibo sa banta ng terorismo ang Metro Manila.

Katwiran ni Carlos, isasapubliko agad nila ang impormasyong ito sakali mang makarating sa kanila, dahil makakatulong ang publiko para maiwasan ito.

Dito aniya kasi nila mas paiigtingin ang pagpa-paalala sa lahat na maging mapagmatyag sa paligid at ipaalam agad sa mga kinauukulan sakali mang may mapansin silang kakaibang tao, gamit o aktibidad.

Payo pa ni Carlos, kung may ganitong mapapansin, agad na tumawag sa 911 at sila na ang bahalang umaksyon dito.

Nanawagan rin si Carlos sa publiko na bagaman may mga kumakalat na usap-usapang may ISIS na dito sa bansa, ipagpatuloy lang ang normal na pamumuhay dahil nagwawagi lang ang teroristang grupo kung matagumpay silang makakapagpalaganap ng takot sa mga tao.

Read more...