PNP, umaasa rin sa tulong ng CHR sa isyu ng “secret jail”

INQUIRER photo / Aie Balagtas See
INQUIRER photo / Aie Balagtas See

Nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon ng Internal Affairs Service (IAS) ng Philippine National Police (PNP) sa isyu ng “secret jail” na nadiskubre sa Station 1 ng Manila Police Dostrict sa Tondo, Maynila.

Sa panayam ng Radyo Inquirer, hinimok ni PNP spokesperson Chief Supt. Dionardo Carlos ang publiko na hintayin na muna ang magiging resulta ng nasabing imbestigasyon.

Kapag aniya kasi minamadali ang imbestigasyon, kadalasang nagkakaroon ng problema sa technicality.

Aminado naman si Carlos na labag talaga sa batas ang paggamit ng secret detention facility, kaya naman tiniyak niyang masusi itong iimbestigahan ng pulisya.

Nang tanungin naman si Carlos kung marami pa bang ibang mga presinto ang may secret jail, sinabi niyang hindi siya nakatitiyak dahil mismong ang Commission on Human Rights (CHR) ay hindi rin sigurado tungkol dito.

Ayon aniya kasi sa CHR, sa ngayon ay wala silang pinanghahawakang patunay na mayroon pa ngang ibang secret jail.

Gayunman, nalulugod naman ang PNP dahil sa kahandaan ng CHR na tumulong sa kanila sa isyung ito.

Hinimok pa ni Carlos ang CHR na tulungan sila sa pag-iinspeksyon sa mga detention facilities upang malaman kung mayroon pa bang ganitong tagong kulungan.

Malaki aniya ang maitutulong ng CHR sa pulisya upang malaman kung ano ang pinaka-akmang hakbang upang matiyak na naiingatan ang karapatan ng mga detenido, maging ng mga kapwa nila pulis.

Sa isyu naman ng pondo sa pagpapagawa ng karagdagang detention facilities, nilinaw ni Carlos na ang mga pasilidad nila ay pawang pang-“temporary and custodial investigation” lamang.

Hindi naman aniya kasi sila ang naglalabas ng pinal na desisyon tungkol sa pagkukulong sa mga suspek na nasa ilalim ng kanilang kustodiya.

Read more...