Mahalaga na makausap ni Pangulong Rodrigo Duterte si US Pres. Donald Trump.
Ito ang pahayag ni Political Analyst Clarita Carlos sa gitna ng mga banta ng North Korea sa Amerika.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Carlos na sa mga hakbang ngayon ng North Korea, mabuti na naimbitahan si Duterte ni Trump sa White House.
Ani Carlos, ang mga galaw ngayon ng Amerika ay tila pahiwatig na mayroon silang balak na maglunsad ng preemptive strike sa North Korea.
“Mabuti at naimbita si Duterte na makipag-usap kay Trump dahil yung mga galaw ng Amerika ngayon ay mukhang nagbabalak talaga ng preemptive strike sa North Korea, and dapat kasali tayo sa usapan kasi ang lapit lapit lang ng North Korea.” ani Carlos.
Dapat aniya kasali tayo sa naturang usapin dahil una, malapit ang North Korea sa Pilipinas.
Pangalawa, ani Carlos, batay sa US-Philippines Mutual Defense Treaty, malinaw na kapag ang isang barko o aircraft ng Amerika ay inatake, katumbas na ito ng pag-atake sa Pilipinas.
“Yung Mutual Defense Treaty natin binasa ko nga kagabi, bagaman hindi ako lawyer, nakita ko dun very clear na kapag ang isang barko o aircraft ng Amerika ay in-attack, ay parang atake na rin sa atin.” pahayag pa ni Carlos.
Iginiit ni Carlos na mahalaga maging bahagi ang Pilipinas sa naturang usapin, lalo na aniya ngayon na ang South Korea ay walang lider hanggang May 9.
Umaasa si Carlos na matutuloy ang pagpunta ni Pangulong Duterte sa White House, dahil maraming dapat mapag-usapan ang dalawang lider ng bansa.
Samantala, hindi naman nakikita ni Carlos na magkakaroon ng gulo sa Korean Peninsula.
Inihalintulad lamang ni Carlos ang sitwasyon sa Korean Peninsula sa ginawang surgical attack ng Amerika sa Syria.
Pero bawal aniya ito sa ilalim na rin ng United Nations rule kung saan nakasaad na hindi pwedeng umatake kahit ano pa ang dahilan lalo na ngayon na pumasok na sa isyu ang China.
Sinabi ni Carlos na nagbanta na ang China na sakaling umatake ang Amerika sa North Korea ay mayroon hindi magandang mangyayari.
Importante pa rin aniya na mag-usap ang dalawang bansa bago pa gumawa ng anumang kilos na maaaring makabuo ng hindi magandang resulta.